Biotechnology
Ang biotechnology ay ang paglalapat ng agham at teknolohiya sa mga buhay na organismo. Gumagamit ito ng mga pamamaraang tulad ng mga DNA/RNA application; protein at peptides/enzymes, cell at tissue culture at engineering; gene at RNA vectors; bioinformatics; nanobiotechnology; process biotechnologies; at mga sub-cellular process.
Kasama sa industriya ng biotechnology—ang bio-economy—ang pagsisiyasat, pag-develop, paggawa at pagsasakomersyo ng mga teknolohiya at produkto sa maraming bahagi: agrikultura, aquaculture, bioenergy, bioinformatics, bioproducts, biosciences, kapaligiran, pagproseso ng pagkain, forestry, genomics, kalusugan ng tao, mga application na pang-industriya, life sciences, mga aparatong pangmedikal, mga natural na mapagkukunan, nanotechnology, nutraceuticals, at parmasyutiko.
Ang Canada ay nangunguna sa mundo sa biotechnology. Mayroon itong mahusay na network ng pananaliksik ng mga ospital, mga unibersidad, mga laboratorya ng pamahalaan, at mga pribadong kumpanya. Lumalaki ang sektor at isang mahalagang saligan ng ekonomiya ng Canada.
Pagtatrabaho sa Biotechnology
Mayroong malawak na hanay ng mga pagkakataon sa trabaho sa bio-economy. Ginagamit ang biotechnology sa maraming mga industriya, at ang karamihang mga kumpanya ng biotechnology ay tinutukoy ang sarili bilang cross-sectoral at pang-iba't ibang larangan.
Karamihan sa mga kumpanya ng biotechnology sa Canada ay maliit hanggang katamtaman ang laki, na may bababa sa 50 full-time na mga empleyado. Ang mga kumpanya ay maaaring nakatuon sa iba't ibang mga antas ng pag-develop ng mga produkto, tulad ng pananaliksik at pag-develop, mga pagsubok na pangklinika/panlabas at mga pagsubok na pangkontrol, paggawa/pagbuo, at pagsasakomersyo/pagmemerkado.
Mayroong mga trabaho ang industriya sa:
- Pananaliksik, pag-develop at teknolohiya: mga technician, inhinyero, tagapagsaliksik
- Pagtiyak sa kalidad at mga usaping pangkontrol: mga espesyalista sa mga usaping pangkontrol, mga tagapayo, mga opisyal pangkaligtasan
- Intelektwal na pagmamay-ari: mga opisyal sa intelektwal na pagmamay-ari at paglilisensya sa teknolohiya, mga ahente ng patent
- Paggawa at pagbabahagi: mga direktor ng mga gawain at pasilidad na panglaboratoryo, mga opisyal sa pag-develop ng produkto, mga tagapamahala ng planta, mga chemist sa paggawa
- Pagbenta, pagmerkado, mga komunikasyon at serbisyo sa customer: mga tagapamahala ng produkto, mga tagapamahala ng pagbenta, mga associate sa pagmemerkado, mga siyentipikong manunulat
- Human resources, pananalapi at pamamahala: pangkalahatang tagapamahala, tagapamahala ng pagpapatakbo, mga opisyal sa pananalapi, mga tagapamahala sa mga pakikipag-ugnayan sa namumuhunan.
Mga Kasanayan at Pagsasanay
Kinakailangan ng industriya ang mga indibidwal na may kaalamang siyentipiko, pati na rin ang mga may kasanayan sa pamumuno, negosyo, pamamahala ng proyekto, at komunikasyon. Dahil ang karamihan sa mga organisasyon ng biotechnology ay maliit, madalas na mahigit sa isang papel ang ginagampanan ng kawani. Ang ilang mas malaking mga organisasyon ay nangangailangan ng higit pang espesyalidad.
Maraming mga programa sa biotechnology at life science na post-secondary sa mga kolehiyong pangkomunidad, polytechnics at mga unibersidad sa buong Canada.
Ang BioTalent Canada ay lumilikha ng BioSkills Recognition Program/Programme de reconnaissance des biocompétences para sa mga dalubhasang nakakuha ng edukasyon sa ibang bansa at mga bagong dating sa sektor. Tatasahin ng program na ito ang kanilang mga kahusayan at ikokonekta sila sa mga nagpapatrabaho sa mahusay at maaasahang paraan.